Bahala-na o Bahala ka?

Bilang foreign na asawa ng isang Pilipina ang isang bagay na hindi pa ako masyadong makapaniwala ay ang akala ng maraming Pilipino na pwedeng mabuhay nang wala maraming ikinababahala (ibig kong sabihin maging medyo kampante) at asahan na bahala-na si Batman o bahala-na si Bathala o Panginoon (o baka naman bahala ang mga kamag-anak na nasa mayamang bansa).

Ang isang bagay na sinasabi ni Bathala ay “Huwag ninyong dayain ang sarili ninyo: ….anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya”.

Ang sinasabi ni “Bathala” ay: “bahala ka (sa buhay mo)” hindi “bahala siya”.

Nabubuhay tayo sa isang uniberso kung saan ang isa sa pinakasaligang mga batas ay ang batas ng sanhi at epekto: kung ang sanhi ay masama hindi magiging maganda ang epekto at walang bahala sa atin.

Sa aking (mapagpakumbabaang) punto de vista ang pagkadama ng personal na responsibilidad (ibig sabihin ang abilidad na tumugon o magrespond sa halip ng pagiging biktima na lang ng mga kalagayan na lagi umaasa kay Bathala…o sa mayamang kapatid o pinsan na nasa abroad) ay isa sa pinakamahalagang katangian para magtagumpay sa lahat ng mga aspekto ng buhay.

Totoo naman na sinasabi ni Bathala “huwag kang umasa sa sarili mong unawa. Isaisip mo siya (si “Bathala”) sa lahat ng tatahakin mong landas, at itutuwid niya ang mga daan mo”.

Totoo naman iyon. Pero, ibig bang sabihin na pwede maging kampante na lang at basta itutuwid ni Bathala lahat ng mga landas natin?

Sinasabi naman ni “Bathala” na “ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay, pero ang lahat ng padalos-dalos ay tiyak na maghihirap”.

Ginagamit ni Bathala ang salitang plano at sinasabi rin na hindi bahala si Bathala sa mga padalos-dalos kundi maghihirap sila at marami kong kilala mga Pilipino dito sa bansa ko na naghihirap dahil sa padalus-dalos na desisyon (tulad halimbawa ang desisyon na sobrang umutang) at kawalang plano at walang bahala sa kanila (kundi may umaasa sa kanila sa Pilipinas).

Syempre hindi layunin ng blog ko upang sermunan ang mga tao, ngunit, dahil ako ang lagi sinesermunan, araw-araw “sermon ang almusal”…bago pumasok (…hindi na sa eskwela dahil adulto na ako), paminsan-minsan gusto ko rin sermunan ang iba….para maging pantay-pantay ang mga bagay-bagay…..

Libreng Tuition sa Pampublikong Kolehyo: ito ba ang Solusyon sa mga Problema ng Pilipinas?

Mga Estudiante sa mga Bundok ng Bulacan

Bilang asawa ng isang Pilipina interesado ako sa mga balita na galing sa Pilipinas, kahit medyo matagal na hindi ako umuwi sa Pinas.

Kamakailan binasa ko na pinirmahan daw ang isang kasunduan para sa libreng edukasyon ng mga estudyante ngayong paparating na pasukan.

Kabilang sa saklaw ng kasunduan ang 190 na state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) sa bansa.

Galing ako sa isang bansa kung saan libre ang mataas na pinag-aaralan at mayroon akong mataas na pinag-aralan.

Ngunit ang aking pag-aasawa sa isang Pilipina ay nagturo sa akin ng isang napakahalagang aral, ibig sabihin na walang saysay ang pagkakaroon ng maraming pinag-aralan at kaalaman kung kulang ang isang tao (lalo na ang isang tao na may pamilya at mas lalo na kung ang kanyang pamilya ay international katulad ng pamilya ko) sa karunungan.

Ayon sa isang akda ang karunungan ay ang kakayahang gumamit ng kaalaman sa matagumpay at praktikal na paraan.

Gaya ng sinabi ko, ako ay may maraming pinag-aralan at sa buong buhay ko binasa ko napakaraming tomo (pero hindi ako ang isang tomador….ibang uri ng tomo ang tinutukoy ko, hindi ang toma-toma….lol) ngunit ang unang limang taon ng aking pag-aasawa ay naging medyo mahirap para sa akin dahil naintindihan ko na ang pinag-aralan ko sa kolehyo at ang mga tomo na binasa ko ay hindi nagturo sa akin ng maraming napakahalagang mga bagay na kailangan para magtagumpay sa buhay at sa mga pinakaimportanteng aspekto ng buhay katulad ang mga relasyon.

Ang mataas na edukasyon ay hindi nagturo sa akin kung paano maging mahusay sa pakikipagtalastasan:

Sa pag-aasawa at sa pagpapalaki sa mga anak mas kailangan maging matulin sa pakikinig at mabagal sa pagsasalita (Santiago 1:19) kaysa maging mahusay sa pagsasalita.

Medyo marunong akong magsalita (at nakapagsasalita ako sa tatlong mga wika…akalain ninyo) ngunit medyo kulang ako sa kakayahang magbigay pansin kapag ang iba ang nagsasalita, kaya kinailangan kong pasulungin ang aking pakikinig upang tamasahin ang makabuluhang komunikasyon sa loob ng tahanan at, sa bandang huli, (medyo) nagtagumpay ako.

Sa totoo natatandaan ko na ang aking mga propesor kapwa sa high school at sa unibersidad (lalo na ang aking propesora ng pilosopia) ay daldal nang daldal pero kulang nang kulang sila sa kakayahang makinig sa iba o sa pagpapakita ng personal na interes sa iba, kaya ang aking pagsulong sa ilalim ng aspektong ito ay hindi bunga ng mataas na edukasyon kundi resulta ito ng ibang uri ng pinag-aralan (espiritwal na mga impormasyon at mga impormasyon na may kinalaman sa self-improvement).

Ang mataas na edukasyon ay hindi nagturo sa akin ng empatya

Ang empatya ay binibigyang katuturan bilang ang kakayahang ilagay ang sarili sa kalagayan ng iba.

Dahil ako ay lumaki sa Italy at ang asawa ko ay lumaki sa kabilang ibayo ng mundo (ibig sabihin sa Bulacan) marami akong tendensya dati na umabot sa maling mga konklusyon tungkol sa ugali at paggawi ng asawa ko dahil hindi ako gumawa ng pagsisikap na maunawaan nang malalim ang kanyang kultura at mentalidad at ang aking pagsisikap na maunawaan ang wika at ang kultura ng Pilipinas ay medyo mental na lang at hindi emosyonal.

Ngunit nagsumikap ako na matuto kung papaano magkaroon ng emosyonal na tulay at, dahil dito, naging di-hamak na mas matagumpay ang aking relasyon at buhay pampamilya at ito rin ay isang kakayahan na hindi itinuro sa akin sa high school o sa kolehyo.

Hindi itinuro sa akin ng mataas na pinag-aralan kung papaano kontrolin ang akin mga emosyon at kung paano maging maligaya

Ang mataas na pinag-aaralan ay may kinalaman sa i.q. samantala para maging maligaya at magkaroon ng positibong mga emosyon kailangan ang e.q. o ’emosyonal’ na intelligence.

Maraming tao na may pinag-aralan ay negatibo at nagpopokus sila sa kanilang mga butas o sa mga butas ng iba at ganito rin ako dati, lalo na sa aking pakikitungo sa misis ko. Sa ngayon nagsisikap ako na magpokus sa positibong mga aspekto ng aking buhay at sa magandang mga katangian ng aking kabiyak at ito rin ay ang isang katangian na hindi ko nilinang noong panahon na nasa unibersidad ako ni man itinuro sa akin kung papaano linangin.

Syempre naman napakahalaga ng mataas na pinag-aralan subalit ang pagkakaroon ng isang utak na puno ng impormasyon ay walang saysay kung kulang tayo sa mga katangian tulad ng karunungan, kaunawaan, empatya, di-makasariling pag-iibig, ang pagiging handang makinig at marami pa.

At, sa palagay ko, maraming mga problema ng Pilipinas ay hindi malulutas sa pamamagitan ng libreng mataas na pinag-aralan para sa mas maraming tao dahil hindi kayang solusyonan ng mas maraming kaalaman (lalo na ang kaalaman na medyo teknikal at geeky) ang mga suliranin na idinudulot ng bahala-na mentality, victim mentality, ako muna mentality, corruption, pag-aabuso sa alak at iba pang mga aspekto ng Pinoy mentality na humahadlang sa pagsulong ng Pilipinas.

Ideya ko lang na gusto kong i-share….bilang pampatunaw

Kailangan ba Nating Sundin ang mga Batas o ang mga Simulain?

Ayon sa karatula ang speed limit ay 50 km/h kahit malakas ang baha

Ang dahilan kung bakit bumangon sa isip ko na isulat ang post na ito ay dahil sa ngayon dito sa Roma grabe ang ulan.

Kararating ko lang sa bahay mula sa trabaho dahil napakatrapik dulot ng baha.

Habang nasa daan patungo sa bahay napansin ko na, dahil ayon sa karatula ang speed limit sa highway ay 50, karamihan ng mga driber ay nagmamaneho sa bilis na pinahihintulutan ng karatula kahit may baha at dapat sana mas mabagal sila ng kaunti.

Hindi naman nakasulat sa karatula na iba ang speed limit kapag may baha, 50 pa rin ito. Ngunit, sa palagay ko at least, sa ganitong situwasyon, mas mabuti magmaneho nang mas mabagal at sundin ang isang mas malawak na simulain (tulad halimbawa ang simulain na ang buhay ay sagrado….o “mahalaga” kung hindi ninyo gusto ang salitang “sagrado”) kaysa sa espesipikong batas o alintuntunin na nagpapahintulot na panatilihin ang bilis ng 50 kahit ano ang panahon, rain or shine.

Ang napansin ko sa Pilipinas (at dito rin) ay na ang mga driber ay masunurin sa batas sa trapik tangi lang kung may karatula at may buwaya na kumukontrol kung sinusunod ng mga tao ang karatula.

Sa maraming bansa ng Hilagang Europa (at sa Hilagang Italya din) maingat ang mga driber, may karatula man o wala, may buwaya man o wala, dahil ang karamihan ng mga tao ay hindi basta pinapatnubayan ng mga batas kundi pinapatnubayan sila ng mas malawak na simulain na mahalaga ang disiplina para magkaroon ng isang organisado at maayos na lipunan at alam nila na ang ako muna na saloobin ay hindi nagdudulot ng magandang resulta.

Ang isa pang simulain na kapit sa tiwasay na pagmamaneho ay “ibigin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili“.

Karamihan ng mga Pilipino ay mga relihyosong tao at, at least sa teorya, dapat na pamilyar sa simulaing ito.

Kung iniibig ng isa kapwa ang kapwa at ang sarili, may karatula man o wala, may buwaya man o wala, may batas man o wala, kung maliwanag ang mas malawak na simulain, mag-iingat pa rin siya.

Bilang asawa ng isang Pilipina napansin ko na sa karamihan ng mga situwasyon mukhang mas gusto ng mga Pilipino ang espesipikong batas o listahan ng kung ano ang dapat o ‘di dapat, pwede o ‘di pwede sa halip na sundin ang mas malawak na mga simulain na sana magiging sanhi na alam ng mga tao sa awtomatikong paraan kung paano kumilos sa bawat situwasyon.

Sa palagay ko mas may-gulang ang tao na alam kung ano ang dapat niyang gawin sa bawat situwasyon sa awtomatikong paraan, may alintuntunin man o wala, may espesipikong batas o wala at ang paraan para abutin ang antas ng pagkamay-gulang na ito ay ang pagsunod sa mga malawak na mga simulain sa halip na isang mahabang listahan ng dapat o’di dapat at pwede o ‘di pwede…

Ang mga Pilipino at ang “Pagpipigil sa Sarili”

Sinabi ni Rumi, ang isang pilosopo at makata na nabuhay noong panahon ng Edad Medya sa Middle East, na

Gusto ng matalino ang pagpipigil sa sarili, gusto ng bata ang candy

Batay sa aking obserbasyon, bilang asawa ng isang Pilipina, ang lipunang Pinoy ay hindi ang isang kapaligiran na nag-uumapaw sa pagpipigil sa sarili at tiyak na hindi masyadong pinasisigla ang paglinang ng katangiang ito sa Pilipinas.

Lahat ay “instant” sa Pilipinas:

  • Nescafe (instant coffee) sa almusal
  • Mga Jollibee at ibang mga uri ng fast-food
  • Maraming panonood ng TV
  • Maraming paggamit ng social media
  • Pag-iinom ng labis ng alak

At iba pa.

Gaya ng sinabi ko na sa aking nakaraang mga post, maraming mga bagay sa Pilipinas ay may kinalaman sa pagiging masaya ngayon at kaagad sa halip na maligaya nang pang-matagalan.

Gaya ng sabi ni Rumi, ang “candy” o ang “stimulation” katulad ng alak, pagkain, libangan etc ay ang hinahanap ng “bata” at, sa palagay ko, mahirap sumulong sa maraming aspekto ng buhay kung ang buhay ng isa ay nakasentro sa “candy” .

Ang pagpipigil sa sarili naman ay may kinalaman sa may-gulang at matalino na nagtatagumpay sa mga romantikong relasyon, sa trabaho at iba pa.

Halimbawa ang isang tao na may pagpipigil sa sarili ay hindi madaling sumasabog o nagsasalita ng padalus-dalos at tiyak na ito ay ang isang malaking tulong sa pag-aasawa.

Ang mga tao na mahilig sa makasagisag na “candy” ay nahihirapan kapag bumabangon ang mga situwasyon na humihiling ng pagpipigil sa sarili katulad ng mga problema sa pag-aasawa, pag-budget ng pera at iba pa.

Personally sumasang-ayon ako kay Rumi at sa aking personal na buhay malaki ang naitulong ng pagpipigil sa sarili.

Medyo nahihirapan pa ako na magpakita ng katangiang ito at ako rin ay madalas na bumabalik sa “candy”. Ngunit di-hamak na mas matagumpay ang aking mga pananalita, pagkilos at desisyon kapag may pagpipigil sa sarili ako.