Balarilang Tagalog-Bahagi 3: Pokus ng Pandiwa

Gaya ng sinabi ko sa dating mga post ko tungkol sa balarilang Tagalog ang aking layunin sa mga post na ito ay hindi upang ipakita kung gaano kahusay ako kundi ang layunin ko ay ibahagi lang ang aking personal na mga nota tungkol sa wikang Tagalog.

Nag-aaral ako ng balarilang Tagalog noong 2001-2006 at paminsan-minsan kailangan kong repasuhin ito.

Bukod dito ang pag-aaral na ginawa ko noon ay sa wikang Ingles samantala sa ngayon gusto kong maging pamilyar sa terminolohiyang Tagalog.

Kaya wala akong balak na ituro ang balarilang Tagalog sa mga Pilipino.

Pero, gaya ng sinabi ko na, ang aking impresyon ay na maraming mga Pilipino, kahit mas marunong magsalita ng Tagalog kaysa sa aming mga foreigner, ay hindi masyadong pamilyar sa balarila.

Tiyak na maraming mga Pilipino ay nag-aaral ng balarila sa paaralan pero habang lumalaki ang isang tao madaling nakakalimutan niya ang mga impormasyong ito.

Para sa akin mahalaga ang pag-aaral ng balarila ng sariling wika dahil napakaraming mga Pilipino ay nag-aabroad at kailangan nilang matuto ng ibang wika at di-hamak na mas madaling gawin ito kapag ang isa ay may kaalaman tungkol sa balangkas ng sariling wika.

Sa akin huling post binanggit ko ang aspekto ng pandiwa.

Ito ang madaling bahagi ng wikang Tagalog.

Ang mahirap para sa aming mga foreigner na nagnanais matuto ng Tagalog ay ang dami ng mga panlapi na ikinakabit sa salitang ugat para bumuo ng isang pandiwa.

Para sa aming mga foreigner ay talagang mahirap malaman kung kailan gamitin ang um, mag, -in,-an, magpa-, maka-, makapag- at iba pa.

At ang problema ay na kapag tinatanong namin ang mga Pilipino (tulad halimbawa ang asawa ko) hindi nila alam kung papaano ipaliwanag ang mga bagay na ito.

Kaya ginawa ko ang isang balangkas para maging maliwanag kung anu-anong mga panlapi ang dapat gamitin may kaugnayan sa mga pandiwa.

Bukod sa mga panlapi na ikinakabit sa mga pandiwa mayroon din ibang uri ng mga panlapi pero sa ngayon ang pinag-uusapan ko ay ang pokus ng pandiwa.

Ang uri ng panlapi na ginagamit sa bawat situwasyon ay nakadepende sa pokus.

Ano ba ang pokus?

Pokus ang tawag sa relasyong pansemantika (ang salitang semantika ay may kaugnayan sa kahulugan ng isang salita, parilala o pangungusap)
ng pandiwa sa simuno o paksa ng pangungusap.

  • Aktor-pokus o pokus sa tagaganap o sa isa na gumagawa ng kilos

Ang pokus dito ay nasa kung sino ang gumagawa ng isang bagay at ang mga panlapi ay
MAG, NAG, MA, NA at UM.

Halimbawa: sino ang bumabasa ng aklat? Sagot: “bumabasa si Mario (aktor) ng aklat”. Dito si Mario ang pokus

  • Pokus sa layon

Ito ay sumasagot sa tanong na “ano?”.

Dito ang mga panlapi ay IN, I, AN, NA.

Halimbawa: “ano ang binabasa ni Mario?” Sagot: “Binabasa ni Mario ang aklat“. Sa halimbawang ito ang aklat ang pokus.

  • Pokus sa ganapan o lokatibo

Ito ay sumasagot sa tanong na “saan?” o sa ibang salita ang pokus ay nasa lugar kung saan ginaganap ang isang kilos.

Ang mga panlapi ay: pag-/-an , -an/-han , ma-/-an , pang-/-an , mapag-/-an, pinag/an, in/an.

Halimbawa: “Ang bukiran ay pinagtaniman ng gulay”. Ang bukiran ay ang pokus ng pangungusap na ito.

  • Benepaktibong pokus o pokus sa tagatanggap

Ang pokus ay ang ang tumatanggap.

Ito ay sumasagot sa tanong na “para kanino?“. Ang mga panlaping i- , -in , ipang- , ipag- ang ginagamit.

Halimbawa: “ipinagbili ko ang bata ng kendi”. Bata ang tumatanggap kaya siya ang pokus.

  • Instrumentong pokus o pokus sa gamit

Ang pokus ay nasa bagay na ginagamit upang makagawa ng kilos. Ito ay sumasagot sa tanong na “sa pamamagitan ng ano?”

Ang ginagamit ay ang mga panlaping ipang- , maipang-

Halimbawa: “ipangluto ang kaldero ng pagkain”. Ang kaldero ay ang instrumento na ginagamit para magluto at siya ang pokus.

  • Kosatibong pokus o pokus sa sanhi

Ang pokus ay ang sanhi ng kilos. Ito ay sumasagot sa tanong na “bakit?” at ginagamit ang mga panlaping i- , ika- , ikina-

Halimbawa: “ikinalungkot ko ang kamatayan ng aso ko” (ang kamatayan ng aso ko ay ang sanhi kung bakit malungkot ako).

  • Pokus sa direksyon

Ang pokus ay ang direksyon ng kilos. Ito ay sumasagot sa tanong na “tungo saan/kanino?” at ang ginagamit ay ang mga panlaping –an , -han , -in , -hin.

Halimbawa: “sinulatan ko ang pinsan ko”. Ang pinsan ko ay ang pokus dahil siya ang direksyon ng aking pagsusulat.

Ito ang isang balangkas ng iba’t ibang mga panlapi na ginagamit sa bawat uri ng pokus at ito ang pinakamahirap para sa aming mga foreigner na nagnanais matuto ng Tagalog….